Inihayag ng ride-hailing service na ‘Angkas’ na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang operasyon sa kabila ng ginagawang panghuhuli ng LTFRB.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni George Royeca, head ng regulatory and public affairs na bumibiyahe pa rin ang kanilang mga partner drivers dahil hindi naman sakop ng kautusan ng korte ang pagtigil ng kanilang operasyon.
Ang pinipigilan lamang aniya ng Supreme Court (SC) ay ang naging desisyon ng Mandaluyong RTC na nagpapahinto sa panghuhuli ng LTFRB.
Tuloy-tuloy naman sa ngayon aniya pagkakaloob nila ng assistance sa kanilang mga partner drivers para makaagapay sa gitna ng panghuhuli sa kanila.
Nakatakdang magharap ng comments sa SC ang Angkas para sagutin ang mga isyu at panindigan na sila ay lehitimong alternative mass transport.
Taliwas sa mga alegasyon na hindi ligtas ang Angkas, iginiit ni Royeca na mahigpit nilang sineseryoso ang safety ng mga tumatangkilik sa Angkas.
Aniya, mula nang mag-operate ang Angkas at hanggang sa kasalukuyan, nasa. 003% lamang ang naitatalang aksidente ng kanilang mga motorsiklo.
Maliban sa well trained ang kanilang mga drivers ay mayroon din silang insurance coverage para sa mga driver at pasahero.
Nakatakdang makipag diyalogo ang Angkas sa LTFRB para pakiusapan na itigil muna ang panghuhuli hanggat hindi nakakapagpalabas ng pinal na desisyon ang korte.
Inihihirit ng Angkas na pabayaan muna ang kanilang mga drivers na makabiyahe kahit sa buong Kapaskuhan.