Manila, Philippines – Iginiit ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Sherwin Tugna na tuloy pa rin ang Barangay at SK election ngayong taon.
Ito aniya ang kasalukuyang posisyon ng Kamara kahit pa may dalawang panukala na inihain para sa postponement ng barangay election, ang House Bill 7072 ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel at House Bill 7128 ni ANAC-IP Party-list Rep. Jose Panganiban Jr.
Sa mga panukalang inihain, hiniling ni Pimentel na ipagpaliban ang barangay election sapagkat kailangan na mabigyan pa ng sapat na panahon ang COMELEC na makapaghanda para matiyak ang isang “credible” at “effective” na halalan.
Samantala, pinasasabay naman ni Panganiban sa plebesito ang nasabing halalan para kasabay na lang sa pagpapalit ng konstitusyon.
Ayon kay Tugna, dahil dito ay posibleng magkaroon ng majority caucus ang mga kongresista sa mga susunod na araw para pag-usapan ang halalan sa barangay ngayong taon.