Manila, Philippines – Itutuloy pa rin ng Duterte Administration ang information campaign sa isinusulong na Charter Change kahit na mahina ang suporta dito ng publiko at hindi pa rin nagkakasundo ang Kamara at Senado sa pag-convene bilang constituent assembly.
Sa budget briefing sa Kamara, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na may P100 Million na nailaan ang Kongreso sa ilalim ng 2018 budget para sa federalism information campaign pero wala na itong alokasyon sa ilalim ng 2019 budget.
Hindi naman masasabing nag-aaksaya sila ng pondo at panahon dahil mabuti nang maipaunawa ito sa publiko.
Sa 100 million na nailaan ngayong taon para sa information campaign, mayroon ng 11 million na nagamit sa roadshows na idinaos sa Dumaguete, Baguio, Cebu, Legaspi, Tacloban at Davao habang susunod na ang sa Butuan.
Ang balanse din sa pondo ay gagamitin umano sa pag-imprenta ng primers at brochures tungkol sa federalism.
Tutustusan din nito ang tradisyunal at social media campaign para mapalakas ang awareness tungkol sa federal system ng gobyerno.