Patuloy na isinusulong ng motorcycle ride-hailing company na Angkas ang online petition nito upang payagan silang makapag-operate.
Ayon kay Angkas Regulatory and Public Affairs head George Royeca – ang online petition ay nagsimula pa nitong Agosto na layong ipinawagan kina LTFRB Chairperson Martin Delgra III at sa mga honorable justices ang #saveangkas at suportahan ang pagkakaroon ng regulation sa motorcycle taxis sa bansa.
Umabot na sa 35,000 ang sumuporta sa petisyon.
Binigyang diin sa petisyon na ang safety record ng Angkas ay nasa 99.997%.
Nakasaad din dito na matagal nang pumapasada ang mga habal-habal at magpapatuloy ito hangga’t hindi nabibigyan ng maayos na transport options ang commuting public.
Lumutang ang petisyon sa Facebook kasunod ng paglalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema laban sa Angkas nitong Disyembre 12.
Dahil sa TRO, ipinahihinto ng Kataas-Taasang Hukuman ang operasyon ng Angkas at ang ipinatutupad na writ of preliminary injunction na inisyu Mandaluyong Regional Trial Court (RTC).