TULOY PA RIN | Petisyon ng gobyerno na ideklarang terorista ang NPA, hindi pa iaatras

Manila, Philippines – Hindi iaatras ng pamahalaan ang petisyon nito sa korte na ideklarang teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines, New People’s Army.

Ito ay sa harap na rin ng atas ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Presidential Adviser for the Peace Process Secretary Jesus Dureza na buksan nang muli ang paguusap para sa kapayapaan ng gobyerno at ng CPP-NPA.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, mananatili ang petisyon ng gobyerno sa korte na ideklarang terorista ang rebeldeng grupo hanggang hindi nagkakaroon ng Final Peace Agreement.


Sinabi din ni Roque na sa ngayon ay magpapatuloy lang ang operasyon ng pamahalaan laban sa mga NPA at paghahabol sa mga miyembro nitong mayroong mga warrant of arrest.

Binigyang diin ni Roque na magsisimula lamang ang usapan kung papayag ang NPA sa tatlong kondisyon na inilatag ni Pangulong Duterte para sa mga ito na dapat ay itigil na ang paniningil ng revolutionary tax, pagkakaroon ng absolute ceasefire at hindi na ipipilit ng mga ito ang pagkakaroon ng coalition Government.

Facebook Comments