Iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naubos na ang stocks ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong bagyong Carina kung kaya’t kinailangang magbigay ng supplemental budget ang pamahalaan sa ahensya para sa pagbili ng mga panibagong supplies.
Bilin ni Pangulong Marcos sa ahensya, ituloy lang ang pagbili ng supplies at wag tigilan ang pagre-repack ng mga pagkain at nonfood items para sa mga biktima ng Bagyong Enteng.
Sabi ng pangulo, hindi lang dapat ang bagyo sa kasalukuyan o sa katatapos lang ang tugunan kundi dapat paghandaan na rin ang mga susunod pang bagyo.
Mahalaga aniyang maging proactive o unahan na ang mga darating na kalamidad para hindi magkumahog ang pamahalaan kung kelan andiyan na ito lalo na’t may dalawa hanggang tatlong bagyo kada buwan ang posibleng pumasok sa bansa.
Dagdag pa ng pangulo, hindi lamang ang mga nasa evacuation centers ang bigyan ng tulong kundi maging ang iba pang mga taong nakisilong sa ibang bahay dahil tiyak aniyang kailangan din nila ito.