Nagbabala si Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate na posibleng magresulta sa “price shock” sa Disyembre ang patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.
Kaya naman isa sa mga paraan na naiisip ng kongresista ay tanggalin ang buwis sa petrolyo upang hindi maapektuhan ng sobrang taas na presyo ang pagpasok ng holiday season.
Nanawagan ang mambabatas sa liderato ng Kamara na madaliin ang pagpapatibay sa House Bill 243 na layong ipawalang-bisa na ang excise tax sa langis.
Malaking kaluwagan umano ito sa publiko para maibaba ang presyo ng langis at maibaba rin ang presyo ng mga bilihin.
Partikular na nananawagan si Zarate sa House Committee on Ways and Means na agad na aksyunan at ipasa na ang panukala para maibsan na ang hirap ng mamamayan.
Kung aalisin ang excise tax sa langis ay bababa ng P6.72 ang presyo sa kada litro ng diesel, P3 naman ang ibaba sa presyo ng kada kilo o P33 sa kada tangke ng Liquefied Petroleum Gas (LPG).