Tuloy-tuloy na suplay ng kuryente ngayong tag-init, pinatitiyak ng isang senador

Inaatasan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Committee on Energy sa Senado na silipin ang mga hakbang ng gobyerno para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente para sa buong taon.

Sa Senate Resolution 556 na inihain ni Villanueva, pinaiimbestigahan sa Senado kung sapat ba ang mga programa, aktibidad, proyekto at iba pang inisyatibo ng Department of Energy (DOE) at iba pang ahensya mula sa posibleng pagnipis ng suplay ng kuryente dahil sa pagtaas ng demand ngayong tag-init.

Binigyang diin ng senador sa resolusyon na tungkulin ng pamahalaan na maibigay sa publiko ang sapat, abot-kaya at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente.


Tinukoy ni Villanueva ang mga buwan ng Abril hanggang Hunyo na panahon ng tag-init kung saan mas matagal ang paggamit at mas mataas ang konsumo sa appliances tulad ng air conditioners at electric fans para maibsan ang init.

Ipapasilip sa komite ang mga short-term at long-term strategies at ang climate-proof solutions ng gobyerno upang maiwasan ang mga power interruptions tuwing ‘peak season’ at mapabilis ang pagbabalik ng suplay ng kuryente sakaling magka-brownout.

Ipinabubusisi rin kung paano ang mga hakbang para maisulong ang pagtitipid ng mga tao sa kuryente.

Aalamin din sa pagdinig kung sa pagsapit ng 2030 hanngang 2040 ay makakamit na ang target na manggagaling na sa renewable energy ang 35 hanggang 50 percent ng kuryente sa buong bansa.

Ipinunto pa ni Villanueva na nagbabala na ang National Grid Corporation of the Philippines ukol sa paghihigpit ng suplay ng kuryente ngayong summer season.

Facebook Comments