Magtutulungan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Transportation (DOTr) para bigyan ng skills training ang mga maaapektuhang drivers, operators at kanilang pamilya sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng gobyerno.
Ito ay matapos lagdaan nina TESDA Director General, Secretary Isidro S. Lapeña at DOTr Secretary Arthur P. Tugade ang isang Memorandum of Agreement (MOA) kaugnay sa pagpapatupad ng “PUV Modernization Stakeholder Support Mechanism Component”.
Tiniyak ni Lapeña na pagkatapos ng skills training, tutulungan din ng TESDA ang mga beneficiaries na makakuha ng trabaho sa pamamagitan nang pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na industriya at sa mga ahensiya ng gobyerno.
Ang mga benepisyaryo ay yung mga nawalan ng trabaho, boluntaryong umalis o tumigil na sa industriya, piniling magpatuloy bilang driver/operator at mga bagong driver/operators.
Magmumula sa DOTr ang listahan ng mga benepisyaryo at ang kanilang napiling training courses.
Ang mga ito ay kailangang magsumite ng mga kinakailangang qualification documents para sa pinili nilang training program kasama ang iba pang mga dokumento.