Pinatitiyak ni Sen. Grace Poe sa mga water concessionaire na gawin ang lahat ng kanilang makakaya para makapagsuplay ng tuluy-tuloy na daloy ng tubig sa kanilang mga nasasakupan sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan.
Giit ito ni Poe sa gitna ng pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam at iba pang dam maliban sa Ambuklao at Ipo sa kabila ng mga pag-ulan.
Ayon kay Poe, hindi dapat maging normal ang kawalan ng tubig sa panahon ng tag-ulan dahil kailanman ay hindi dapat mga konsyumer ang uminda ng kakulangan ng mga concessionaire na mag-imbak ng tubig para matugunan ang lumalaking pangangailangan ng taumbayan.
Bunsod nito ay nanawagan si Poe sa gobyerno at mga concessionaire na magsagawa ng mga hakbangin para tiyakin ang backup supply sources.
Kasabay nito, inaasahan ni Poe na natanggap na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office ang mga plano at programa ng mga water concessionaire para sa susunod na rate-rebasing exercise at periodic performance review na pagbabatayan ng tariff rates na ipapataw para sa kanilang serbisyo.
Paalala ni Poe, bilang sponsor ng renewal ng prangkisa ng Maynilad at Manila Water Co. Inc., na may obligasyon ang mga kumpanya na tiyakin ang malinis, kalidad at maaasahang suplay ng tubig.