TULUYANG IPAGBABAWAL | Anti-Hazing Act, pasado na sa ikatlong pagbasa sa Kamara

Manila, Philippines – Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang house bill 6573 o “Anti-Hazing Act”.

Unanimous ang naging resulta ng botohan kung saan ipinapadeklarang criminal offense ang hazing.

Sa ilalim ng panukala, inaamyendahan ang RA 8049 kung saan tuluyang ipinagbabawal ang anumang uri ng hazing at initiations rites ng mga fraternities, sororities at ibang organisasyon.


Sakop din ng panukala ang mga community based-organization na nagsasagawa rin ng hazing at initiation rites na maaaring makapagdulot ng physical harm, psychological o mental stress o pinakamalala ay makapatay sa neophyte member.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas ay nire-regulate lamang ang hazing at initiation rites ng mga fraternities at sororities.

Sa kabilang banda, pinapayagan naman sa ilalim ng panukala ang mga initiation rites na hindi naman makapagdudulot ng physical injury o psychological harm sa recruit na miyembro pero kailangang bantayan at isasagawa ito sa ilalim ng mahigpit na regulasyon ng mga otoridad.

Ang head ng isang paaralan ay magtatalaga ng dalawang kinatawan mula sa eskwelahan na siyang sasaksi sa initiation rites at titiyak na walang hazing na gagawin.

Ang sinumang lalabag sa oras na maging ganap na batas ang anti-hazing act ay mahaharap sa 20 taon at isang araw na pagkakabilanggo o habambuhay na pagkakakulong at P1 milyong multa kung ito at magresulta sa kamatayan, pagpapakamatay, rape, at mutilation sa biktima.

Facebook Comments