Tuluyang pagbabawal ng hazing sa mga paaralan, isinusulong ng isang kongresista

Manila, Philippines – Kasabay ng mariing pagkundena sa insidente ng pagpatay sa 1st year UST Law student na si Horacio Castillo III, hiniling ni Kabataan Rep. Sarah Elago na ipagbawal ang anumang uri ng hazing o initiation rites sa mga bagong pasok sa fraternity o sorority.

Sa ilalim ng RA 8049 o Anti-Hazing Law, bagamat pinagbabawal ang hazing bilang practice sa mga bagong recruit na miyembro ng frat, pinapayagan naman ang ibang initiation activities at hindi ganoon katutok o kahigpit ang pagmomonitor ng mga paaralan sa mga fraternities.

Giit ni Elago, dapat na tuluyang ipagbawal ang hazing at iba pang initiation rites lalong lalo na ang lumang tradisyon ng pananakit sa mga bagong frat members.


Sa dami na aniya ng kaso ng mga namatay sa hazing ay iilan pa lamang ang naparusahan na makulong ng habambuhay matapos mapatay ang miyembro ng frat dahil sa hazing.

Nababahala ang kongresista na ang ganitong nakakalusot na mga gawain sa mga fraternities ay mas lalong nanghihikayat ng violence at impunity sa bansa.

Facebook Comments