Tuluyang pagbabawal sa operasyon ng POGO sa bansa, daraan sa tamang proseso —House Speaker Martin Romualdez

May tamang proseso na kailangang sundin.

Ito ang pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kaugnay sa kung pabor ba siya o hindi na tuluyang ipagbawal ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.

Sa ambush interview pagkatapos ng Independence Day celebration sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan, sinabi ni Romualdez na kailangang mapakinggan ang lahat ng stakeholders sa pamamagitan ng mga pagdinig bago magdesisyon kaugnay rito.


Kahapon, naghain ng panukala sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Makabayan bloc para hilingin na alisin ang lisensya ng mga POGO para makapag-operate.

Nakasaad din sa panukalang batas na gawing krimen ang POGO na may kinalaman sa money laundering at human trafficking kung saan may 10 taong kaakibat na kulong at ₱10 milyong multa.

Inihain ang panukala sa gitna ng mga kontrobersiya gaya ng pagkakaugnay ng ilang local government officials sa mga POGO.

May nakabinbin ding kaparehong panukalang batas sa Senado na inihain ni Senator Win Gatchalian.

Facebook Comments