Tuluyang pagbabawal sa POGO, iginiit ng Makabayan Bloc kay PBBM

Iginiit ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na tuluyan nang ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Panawagan ito ni Castro, makaraang sabihin mismo ni Pangulong Marcos na hindi “worth it” o karapat-dapat na ipagpatuloy ang POGO kung maghahatid lang ng matinding suliranin sa lipunan tulad ng mga krimen.

Diin ni Castro, napakaraming dahilan para sa total ban ng POGO sa bansa.


Pangunahing binanggit ni Castro ang pagiging banta ng POGO sa ating seguridad, dahil ang mga hub nito ay maaaring ginagamit para sa “expansionist military at political purposes” ng ibang dayuhang bansa tulad ng China.

Ipinaalala pa ni Castro ang lumitaw sa imbestigasyon ng Senado na may ilang POGO workers na ginagamit bilang “undercover” para sa People’ s Liberation Army of China.

Dagdag pa ni Castro, maraming reklamo at pagkontra mula sa mga residente na malapit sa mga lugar ng operasyon ng POGOs, dahil ugat ito ng prostitusyon, sugal at iba pa.

Para kay Castro, napakaliit lang din ng buwis na nakokolekta mula sa POGO kumpara sa kaguluhan at kasiraang dulot ng operasyon nito.

Facebook Comments