Tuluyang pagpapanagot kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo, pinatitiyak ng isang senador

Umaasa si Senator Sherwin Gatchalian na mapapanagot na nang tuluyan si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping kasunod ng pagkakaaresto nito sa Tangerang City sa Indonesia kaninang madaling araw.

Ayon kay Gatchalian, nagpapasalamat siya sa Indonesian authorities at sa National Bureau of Investigation (NBI) sa mabilis na pagkilos para madakip si Alice Guo at mga kasabwat nito.

Iginiit ng mambabatas na dapat nang mapanagot sa lalong madaling panahon si Guo sa mga kasong isinampa sa kanya tulad ng human trafficking, money laundering, quo warranto, paglabag sa utos ng Senado at iba pa.


Binigyang-diin ni Gatchalian na kapag nakabalik na sa bansa at pagkatapos maproseso ng NBI ay idiretso ito sa Senado bilang ang Mataas na Kapulungan ang may outstanding arrest order laban sa pinatalsik na alkalde.

Tiyak na pipigain naman si Guo ng mga senador tungkol sa kung sino-sino ang mga kasabwat ni Guo sa mga criminal activities at sino sa gobyerno ang tumulong sa kanyang makatakas ng Pilipinas.

Facebook Comments