Manila, Philippines – Aabot sa 48 percent o 11.1 milyon ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na itinuturing ang kanilang sarili bilang ‘mahirap’ batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa nasabing 2nd quarter survey, mas mataas ang naturang bilang ng anim na porsyento kumpara sa 42 percent o 9.8 milyong pamilya na naitala noong 1st quarter (March 2018).
Ito na rin ang pinakamataas na naitala simula sa 50% noong March 2017.
Pinakamalaki ang naitalang pagtaas sa self-rated poverty sa Mindanao na tumaas ng 18 points; 13 points naman ang itinaas sa NCR at Visayas at bahagya naman ang naging pagbaba sa Luzon na may 5 percent.
Dahil dito, mula sa 42 percent noong March 2018 ay pumalo na sa 60 percent ang nagsabing sila ay mahirap sa Mindanao kung saan ito na ang pinakamataas na naitala mula noong September 2015 na mayroong 70 percent.