Manila, Philippines – Ibinida ngayon ng Palasyo ng Malacanang na malaki at mabilis ang naitalang pagtaas ng kita ng gobyerno sa unang buwan palamang ng taong 2018.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ang 10.2 billion pesos budget surplus ay resulta ng pagpapatupad ng TRAIN Law o Tax Reform for Acceleration and Inclusion at mas mataas ng halos limang beses kung ikukumpara sa nakaraang taon.
Sinabi ni Roque, na lahat ng collecting agencies ng gobyerno ay nakapagtala ng pagtaas ng kolekta na umabot sa halos 240 billion pesos o 19% mas mataas sa nakaraang taon at pinakamalaking nakolekta ay ang Bureau of Internal Revenue kung saan nakapag tala ito ng mahigit 175 billion pesos na koleksyon.
Tiniyak din naman ni Roque na mapupunta sa tama at hindi makukurakot ang bilyon-bilyong pisong kinita ng gobyerno at gagamitin ito sa mga proyekto at programang makapagpapaganda ng buhay ng mga Pilipino at magpapasigla ng ekonomiya ng Pilipinas.