Tumaas ng 27% ang mga Filipino nurses na kumukuha ng National Council Licensure Examination o NCLEX, ang US licensure examination ng mga registered nurses at practical nurses na nagnanais makapag-trabaho sa Amerika.
Ayon kay ACTS-OFW Partylist Representative John Bertiz, aabot sa 4,533 na mga Filipino nurses ang kumuha sa unang pagkakataon ng NCLEX mula Enero hanggang Hunyo ng 2018.
Ito ay mas mataas kumpara sa 3,572 Filipino nurses na kumuha ng eligibility test ng Amerika sa kaparehong buwan din ng nakaraang taon.
Bukod sa mga Pinoy nurses, mayroong 500 Indians, 444 Puerto Ricans, 392 South Koreans at 242 Nigerians ang kumuha din ng NCLEX mula January hanggang June.
Batay sa US Bureau of Labor Statistics, aabot sa $70,000 kada taon o katumbas ng P3.7 Million pesos ang sahod ng mga natatanggap na registered nurses sa Estados Unidos o $33.65 o P1,783.45 kada oras.
Maliban sa malaking sahod, ang malawak na labor market at kompetisyon ang ilan din sa mga dahilan ng pagtaas ng bilang ng oportunidad para sa mga nurses.