Tumagilid na tanker truck sa Ramon Magsaysay Blvd. sa Maynila, nagdulot ng pagsisikip ng trapiko

Nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko sa westbound lane ng Ramon Magsaysay Boulevard sa Maynila ang pagtagilid ng isang tanker truck kaninang madaling araw.

Nangyari ang insidente pasado alas-5:00 ng umaga kung saan nagmula umano sa NLEX Connector ang truck at nawalan ng kontrol ang driver habang papakanan, dahilan upang ito ay tumagilid.

Ayon kay Edward Gonzales, head ng MMDA Road Emergency Group, bagama’t mabilis ang naging pagresponde ng kanilang mga tauhan, natagalan ang pag-aalis sa tanker truck dahil tumitimbang ito ng humigit-kumulang 30 tonelada.

Kinailangan aniyang gumamit ng forklift at crane upang maitayo muli ang truck. Tumulong din sa clearing operations ang mga tauhan ng Manila DRRMO, Bureau of Fire Protection–Manila, at Manila Police District.

Nabatid na tumagas ang karga ng tanker na ginagamit bilang sangkap sa paggawa ng kendi, dahilan upang madulas at sumemplang ang ilang motorcycle rider. Gayunman, iniulat na nasa maayos na kalagayan ang mga ito.

Hindi naman agad nahagilap ng MMDA ang driver at pahinante ng tanker truck. Bandang alas-9:00 ng umaga, tuluyan nang naitayo at naitabi sa gilid ng kalsada ang sasakyan.

Facebook Comments