Cauayan City, Isabela- Nakilala na ng pulisya ang drayber ng trailer truck na bumaliktad at iniwan kahapon ng umaga sa kahabaan ng pambansang lansangan sa Brgy. Balete, Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt Felix Mendoza, hepe ng PNP Diadi, kinilala ang drayber ng trak na may plakang RJG 862 na si Ricky Vidad Jr. na taga Brgy. Gappal, Cauayan City, Isabela.
Habang ang may-ari ng sasakyan ay nakilalang si Prince Edward Quiambao Santos ng Brgy. Saranay, Cabatuan, Isabela.
Ayon kay P/Capt Mendoza, hindi umano nakayanan ng preno ng trailer truck nang ito’y umatras sa paakyat na bahagi ng daan dahil na rin sa madulas na lansangan hanggang sa tuluyan itong bumaliktad.
Maswerte aniya na walang kasunod ang trailer truck nang mangyari ang insidente.
Nagdulot ito ng matinding trapik na tumagal ng halos 12 na oras dahil nahirapan umano ang mga otoridad sa pagtanggal sa mahigit 500 sako ng mais o may katumbas na 35 hanggang 40 tons na laman ng trak.
Nakipag-ugnayan na rin kahapon ang may-ari ng trak sa himpilan ng pulisya upang kunin ang mga laman ng kanyang sasakyan.
Kaugnay nito, napag-alaman na nagpagamot sa Cauayan District hospital ang drayber ng sasakyan matapos umano itong makaramdam ng kirot sa katawan.
Nakikiusap naman si PCapt Mendoza sa mga motorista na magdoble ingat at alerto sa pagmamaneho at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang sasakyan bago ito imaneho.