Tumataas na bilang ng healthcare workers na tinatamaan ng COVID-19, pina-iimbestigahan ni Senator De Lima

Ikinaalarma ni Senator Leila de Lima ang patuloy na pagtaas na bilang ng mga healthcare worker sa bansa na tinatamaan ng COVID-19.

Bunsod nito ay inihain ni De Lima ang Senate Resolution No. 442 sa layuning mailatag ang nararapat na hakbang para matugunan ang pangangailangan at mabigyan ng sapat na proteksyon ang medical workers laban sa virus.

Ikinabahala ni De Lima ang naitala noong buwan ng Mayo na mahigit 2,300 na mga doktor at nurse ang nagpositibong kaso ng COVID-19 sa bansa at patuloy pang nadaragdagan.


Tinukoy ni De Lima ang pahayag ng grupo ng mga Filipino nurse na hindi sapat ang kanilang Personal Protective Equipment (PPE) at ang haba ng kanilang duty na halos wala nang pahinga kaya madali silang tinatamaan ng virus.

Binanggit din ni De Lima ang banta ng Alliance of Healthcare Workers na marami sa kanila ang posibleng magresign dahil sa kabiguan ng gobyernong matugunan ang tumataas na kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.

Giit ni De Lima, hindi dapat ipagwalang bahala ang hinaing ng mga healthcare worker dahil ang kanilang sakripisyo at papel ay napakahalaga sa atin laban kontra COVID-19.

Facebook Comments