Manila, Philippines – Para kay Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald Bato Dela Rosa, nakakaalarma na ang tumataas na bilang ng mga estudyante na nare-recruit ng militante o makakaliwang grupo para sumama sa mga pagkilos laban sa gobyerno.
Ayon kay Dela Rosa, sa record ng militar ay lumalabas na sa nakaraang dalawang dekada ay nakapag-neutralize na sila ng mahigit 500 na mga menor de edad na naging rebeldeng komunista.
Sa nabanggit na bilang ay 17 ang napatay, 134 ang nahuli at 362 ang kusang sumuko.
Sabi ni Senator Dela Rosa, nakakabahala ang paglason umano sa utak ng mga estudyante ng mga militanteng grupo kaya sa halip na mag-aral ay nasa kalsada sila at sumasama sa mga aktibidad laban sa pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Dela Rosa, na bilang magulang ay hindi niya gugustuhin na mangyari ito sa kanyang mga anak at sigurado siya na ganun din ang sentemyento ng ibang mga magulang.
Lumabas sa pagdinig ng Senado na nahihirapan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpatupad ng programa laban sa recruitment ng leftist groups sa mga estudyante dahil may memorandum circular ang Department of Education (DepEd) na nagbabawal sa militar na magkaroon ng presensya sa mga paaralan.