Hinimok ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang United Nations (UN) special rapporteur na imbestigahan ang nagaganap na pag-atake sa mga nasa legal na propesyon sa Pilipinas.
Kasunod ito ng pag-abot sa 61 ng mga nasawing abogado, prosecutors at hukom mula 2016 kung saan nagsimulang manungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang liham na naka-address kay Diego García-Sayán, UN Special Rapporteur on the Independence of Judges and Lawyers, nakasaad ang paghimok ng NUPL na imbestigahan ang mga patayan kung saan kadalasang sangkot ang mga abogadong humahawak ng kasong may kaugnay sa droga.
Habang nagkaroon pa anila ito ng paglala ng lumipas ang mga taon dahil sa pagkakapasa ng Anti-Terrorism Act.
Sa ngayon, pinaiimbestigahan na ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang insidente ng paghingi ng isang police intelligence officer sa korte ng listahan ng mga abogadong kumakatawan sa makakaliwang grupo.
Habang maging ang Korte Suprema ay sinabing dapat ding busisiin ito lalo’t itinanggi pa ng intelligence officer na humingi siya ng naturang listahan.