Tumataas na kaso ng pagpatay sa mga magsasaka, pinapaimbestigahan

Inihain ni Senator Leila De Lima ang Senate Resolution 1034 na nagsusulong ng imbestigasyon sa tumataas na kaso ng pagpatay sa mga magsasaka.

Ang hakbang ni De Lima ay makaraang masawi sa joint military and police anti-crime operations ang 14 na mga magsasaka sa Negros Oriental noong March 30.

Sa impormasyon ni De Lima ay umaabot na sa 180 mga magsasaka ang napaulat na nasawi simula noong 2016 kung saan 40 sa mga ito ay mga taga-Negros Island.


Kaya paalala ni De Lima sa pambansang pulisya at sandatahang lakas, tiyakin ang pagrespeto sa karapatang pantao sa pagsasagawa ng kanilang mga operasyon.

Dapat din aniyang siguraduhin na nasusunod ng makatwiran ang patakaran sa pakikipagsagupa.

Target ng pagdinig na isinusulong ni De Lima na makapaglatag ng mekanismo ang pamahalaan at mga otoridad para matiyak na mapapanagot ang may kagagawan ng pagpaslang sa mga magsasaka sa bansa.

Facebook Comments