Nababahala si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa tumataas na halaga ng utang ng bansa.
Sa 2023 proposed national budget na P5.268 trillion, 30% dito ay para sa debt servicing cost o pambayad sa principal at interes sa utang ng bansa.
Nagtabi ang pamahalaan ng P1.630 trillion para pambayad sa debt service kung saan P1.019 trillion dito ay para sa principal amortization habang ang P582.32 billion ay pambayad sa interes sa utang.
Mas mataas din ng 18.65% ang debt service cost sa 2023 kumpara ngayong 2022 na nasa P1.326 trillion.
Lumalabas na bawat isa sa 109 milyon na Pilipino ay may utang na katumbas ng P119,458.
Ibig sabihin, ito aniya ang halaga na pagsusumikapan, pagpapawisan, pagtatrabahuan at uutangin din para makabayad tayo ng utang.
Dahil din sa napakalaking babayarang utang ay naililipat aniya ang ilan sa mga mahahalagang pondo na dapat sana’y magagamit para tugunan ang gastusin sa social at mga health programs.
Batay pa aniya sa mga ulat, ang outstanding na utang ng bansa hanggang nitong katapusan ng Agosto ay umabot na sa mahigit P13 trillion at posible pang umakyat sa P14.63 trillion sa katapusan ng 2023.