Pinatututukan ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang tumitinding harassment ng China sa mga mangingisdang Pilipino.
Kasabay ng pagkundena sa insidente ng pagharang ng Chinese Coast Guard sa isang Pilipinong mangingisda sa may sandbars malapit sa Pagasa Island, ibinabala ni Zarate na posibleng lumala pa ang pagiging agresibo ng China sa ating mga mangingisda at teritoryo.
Ayon sa mambabatas, hati at preoccupied ang ating security sector sa walang batayang red-tagging laban sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno.
Partikular na hinahanap ng kongresista ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na dapat aniya’y nagtatanggol sana sa mga mangingisda.
Nanawagan din si Zarate sa Philippine Coast Guard (PCG) na mag-deploy ng mga tauhan sa katagatan na sakop ng teritoryo ng bansa.
Hinihimok din ng kongresista ang pamahalaan na itulak ang pagsasagawa ng joint patrols sa karagatan kasama ang iba pang bansa tulad Vietnam, Malaysia at Brunei na apektado rin ng pambubully ng China.