Mariing kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro, ang panibagong insidente ng pam-bu-bully ng China kung saan binangga ng Chinese vessel ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na may dalang supplies para sa ating mga sundalo na nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Bunsod nito, ay iginiit ni Castro sa gobyerno na muling magsampa ng kaso laban sa China at i-akyat sa United Nations General Assembly (UNGA) ang sumusobra na talagang pagiging agresibo ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS).
Sa tingin ni Castro, mukhang mas lalala pa ang hakbang ng China sa WPS sa mga susunod na araw kung walang gagawing “decisive action’ ang pamahalaan.
Ayon kay Castro, maaaring magsama-sama ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) member-disputants sa paghahain ng Joint Resolution sa UN General Assembly upang igiit sa China na sundin ang naipanalong kaso ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal na nagpapawalang bisa sa nine-dash line claim nito.
Bunsod nito, ay pinamamadali rin ni Castro ang pag-develop sa Pag-asa Island at pagtatayo ng mga permanent structures sa WPS para sa 24/7 na territorial security patrol na magagamit ding pahingahan ng mga mangingisdang Pilipino.