Mariing tinutulan ni Senator Imee Marcos ang isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na huwag bigyan ng ayuda ang mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.
Giit ni Marcos sa DILG, bago isulong ang ganitong polisya ay mainam na alamin muna nito ang tunay na dahilan kung bakit hindi pa nababakunahan ang mga benepisaryo ng 4Ps.
Kung tutuusin, ayon kay Marcos ay gusto na ng mga tao na magpabakuna pero hindi makarating ang vaccines sa malalayong lugar.
Base sa survey ng Social Weather Station (SWS) noong September ay lumalabas na 64% o tatlo sa bawat limang Pinoy ay gusto nang magpabakuna.
Naniniwala naman si Marcos na posibleng wala pang bakuna sa lugar ng 4Ps beneficiaries kaya hindi sila nababakunahan.
Diin ni Marcos, ang daming bakuna ngayon ang nakaimbak lang pero hindi maihatid sa Local Government Units dahil sa kawalan ng mga medical ref o freezer at problema sa transport logistics.