Tunay na mga magulang ng sanggol na tinangkang ipuslit palabas ng bansa ng isang babaeng American, kinasuhan din ng NBI

Kinumpirma ng NBI na kasama sa kanilang mga kinasuhan ang tunay na mga magulang ng anim na araw na sanggol na tinangkang ilabas ng bansa ng American national na si Jennifer Erin Talbot.

Partikular na kasong isinampa ng NBI laban sa ina ng sanggol na si Maricris Cempron Dulap at sa  John Doe na biological father ng sanggol ay paglabag sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon kay Atty. Manuel Dimaano mg NBI-IAID, nakausap na ng DSWD-Davao ang ina ng sanggol at patuloy na nagsasagawa ng evaluation ang DSWD kung ibabalik pa sa kustodiya ng tunay na ina ang lalaking sanggol.


Kinumpirma rin ni Dimaano na agad nilang pinaabot sa US Embassy ang kaso ng American national na si Talbot subalit tumanggi ang embahada na bigyan ito ng abogado.

Sa halip ay binigyan lamang aniya si Talbot ng listahan ng law firms na maaari nitong lapitan para sa tumulong sa kanyang kaso.

Kanina, iniharap  ng NBI sa media si Talbot matapos itong maaresto kahapon sa NAIA 3.

Isinailalim na rin si Talbot sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office dahil sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, Kidnapping, Serious Illegal Detention at paglabag sa Special Protection of Children Against Child Abuse,Exploitation and Discrimination Act.

Ayon naman kay NBI Deputy Spokesperson Atty. Auralyn Pascual, nahaharap si Talbot sa habambuhay na pagkakulong at multang dalawang milyong piso.

Facebook Comments