Binanatan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil sa pagsusulong nito ng Charter change (Cha-Cha) o pag-amyenda sa Saligang Batas.
Sa prayer rally ng Kingdom of Jesus Christ sa Liwasang Bonifacio kagabi, sinabi ni Duterte na dahilan lang umano ng kasalukuyang administrasyon ang mga probisyong nais nitong baguhin sa Konstitusyon.
Ibinunyag ni Duterte na term extension ang puntirya ng Marcos admin at hindi ang pag-amyenda sa economic provisions.
Dagdag pa ng dating pangulo na sinabi pa ng Marcos admin na tanging ang education at advertisement provision lamang ang sakop ng Cha-cha pero para sa kaniya, hindi na ito kailangan.
Giit pa ni Duterte na kababuyan ang pag-amyenda sa Saligang Batas kung kaya’t hinimok nito ang publiko na huwag pumayag sa itinutulak na Charter Change.