Lumitaw sa ikapitong pagdinig ng House Quad Committee na noon pa man ay alam na umano ni Sen. Bong Go ang motibo sa pagpatay kay retired general at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga.
Sa pagdinig ay sinabi ni dating PCSO Chairman at Retired Police General Anselmo Simeon Pinili, na matapos paslangin si Barayuga ay sinabi niya kina senator Go at dating Chief Presidential Legal Counsel Jesus Melchor Quitain ang posibleng motibo ng krimen.
Tinukoy ni Pinili na motibo ay may kinalaman sa hindi pagkakasundo nina Barayuga at dating PCSO General Manager Royina Garma kaugnay sa pag-iisyu ng board certificates para sa Small Town Lottery franchises na ayaw lagdaan ni Barayuga dahil wala pang full board approval.
Sa pagtatanong ni Antipolo City 2nd District Representative Romeo Acop, ay inamin ni Pinili na bagama’t alam niya ang motibo sa krimen ay wala siyang nagawa dahil sa takot.