Iminungkahi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na mas tutukan na muna ng pamahalaan ang tunay na problema na kinakaharap ng bansa sa halip na atupagin ang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Ayon kay Pimentel, dapat na mag-concentrate na muna ang gobyerno sa mga problema sa inflation, agrikultura at food production.
Sinabi ng senador na ang Maharlika Wealth Fund ay uubos lamang ng ating oras at hindi pa makapagbigay ng kongkretong sagot bukod pa sa pabago-bago ang paghuhugutan ng pondo.
Hindi rin aniya ginagarantiya ng panukala ang pagbaba sa presyo ng bilihin lalo’t gagawin na itong private wealth fund dahil sa pagpasok ng initial public offering (IPO) na siyang paghuhugutan ng pondo ng Maharlika fund.
Kinukwestyon din ni Pimentel ang proseso na ginagawa ngayon na pagamyenda sa Maharlika Bill gayong may pinal na bersyon nang inaprubahan dito ang Kamara na nagdudulot ngayon ng kalituhan sa mga mambabatas at sa taumbayan.
Ang problema pa aniya sa Maharlika fund ay hindi naman ito binanggit sa State of the Nation Address (SONA) ng pangulo at wala rin ito sa mga nakalista na priority measures ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).