Nirerespeto ni Senator Christopher “Bong” Go ang legislative processes sa Estados Unidos pero dapat ay respetuhin din nila tayo.
Pahayag ito ni Go, kasunod ng panukala na inihain sa US Congress na nagpapasuspinde sa Security Assistance na ipinagkakaloob sa Pilipinas dahil sa isyu ng paglabag sa karapatang pantao.
Giit ni Go, mas mainam kung magsasagawa muna ng research ang US legislators ukol sa tunay na sitwasyon sa ating bansa bago nila aksyunan ang nabanggit na panukala na makakaapekto sa buhay ng mamamayan.
Ayon kay Go, kung gusto nilang malaman ang totoong sitwasyon sa Pilipinas, welcome naman silang bumisita at makipagusap sa mga ordinaryong Pilipino para maramdaman rin nila ang totoong demokrasya na mayroon tayo.
Binigyang-diin ni Go, na sa ganitong paraan ay makikita ng mga mambabatas sa Amerika kung ano ang mga ginagawa ng ating gobyerno upang maprotektahan ang interes, kapakanan at buhay ng ating mga mamamayan.
Naniniwala rin si Go na bukod sa pagkakaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte at US President Donald Trump, pareho rin nilang kinikilala ang kahalagahan ng mahigpit na kooperasyon para labanan ang mga krimen at anumang banta sa buhay ng tao tulad ng terorismo.
Binanggit pa ni Go na patuloy na isusulong ng administrasyon ang independent foreign policy o pakikipag-kaibigan sa lahat ng bansa.