
Dahil sa patuloy na isyu tungkol sa flood control ng bansa, malaki ang pagkadismaya ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil malaki ang naging epekto ng mga anomalya sa nasabing proyekto sa mga lokal ng Cordillera, partikular na ang Baguio City.
Sa panayam sa alkalde, nararamdaman na aniya ng lungsod ang epekto nito sa turismo dahil kakaunti ang kinikita ng mga MSME o micro, small, and medium enterprises ng lungsod.
Ayon din sa alkalde, 50–80% ang ibinaba ng tourism rate at collection ng Baguio dahil sa mga pagguho ng lupa sa mga entrada o mga pangunahing kalsada na ginagamit para makapunta sa central business district ng lungsod.
Matatandaan na ang Baguio City ay isa sa mga naapektuhan ng maraming landslide partikular na sa Marcos Highway at Kennon Road sa mga nagdaang bagyo at habagat.
Si Magalong din ay isa sa mga malalaking opisyal ngayon na talagang malaki ang patutsada sa mga flood control project ng bansa partikular na ang DPWH.









