Turismo sa Batanes, mananatiling sarado sa harap ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19

Mananatiling sarado para sa mga turista ang Batanes.

Base ito sa napagkasunduan ng lokal na pamahalaan at mga stakeholders sa harap ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Batanes Governor Marilou Cayco na kahit ibalik ang turismo ay patuloy nilang ipapatupad ang 14-day quarantine protocol para sa mga nais bumisita sa probinsya.


Hindi kasi aniya pumayag ang Task Force Batanes na i-lift ang protocol hangga’t hindi humuhupa ang pandemya.

Sa Disyempre, muling magpupulong ang task force para alamin ang COVID-19 situation sa Metro Manila at iba pang rehiyon.

“Pinag-usapan po namin kung ili-lift na po ‘yun pero hindi po pumapayag ‘yung mga mayors po sa ngayon. Siguro by December, pag-uusapan namin kung ano ho ‘yung sitwasyon d’yan sa Manila at sa ibang malapit na probinsya ho dito. Pag humupa siguro ang COVID e baka ma-lift namin,” ani Cayco.

Una rito, kinumpirma ni Gov. Cayco na COVID-free na ang Batanes.

Bukas ay nakatakda na ring lumabas sa quarantine facility ang natitira pang 95 Locally Stranded Individuals (LSIs).

“COVID-free po kami ngayon ‘no. Meron po kaming LSI, 95 po naka-quarantine po at sila po ay ga-graduate po sa Monday. Pero sa awa ho ng Diyos, lahat po silang 95 na ‘yan ay wala silang sintomas ng COVID,” dagdag pa ng gobernadora.

Facebook Comments