Naging maganda ang turnout ng isinagawang mock elections ng Commission on Elections (COMELEC).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni COMELEC Director Elaiza David na halos lahat ng nakibahaging precinct cluster ay naabot ang 100% na target na bilang ng inaasahang botante.
Nakita rin aniya nila ang mga posibleng hamon na kaharapin sa mismong eleksyon tulad ng pag-e-expand ng mga balota bunsod ng panahon, dahilan kung bakit hindi ito ma-feed sa mga makina.
Gayunpaman, nagawan naman aniya ito ng paraan.
Ilan rin aniya sa kanilang mga napansin ay tila nakakalimutan ng mga botante ang pag-o-obserba sa social distancing na agad namang nasabihan ng mga election officers.
Napansin rin aniya nila na nakakalimutan ng ibang botante lalo na ang mga first time voters ang pagpapanatili ng secrecy ng kanilang boto dahil hindi gumamit ng folder ang ilan sa mga ito.
Ayon kay Director David, marami pa silang napuna sa isinagawang mock elections at kanila naman itong agad na inaksyunan.
Sinabi ng opisyal na sila sa COMELEC ay sisiguruhin na hindi na mararanasan ang mga naitalang aberya sa mismong araw ng eleksyon.