Manila, Philippines – Pinalagan ng grupong Bagong Alyansang Makabayan ang nakaambang dagdag-singil ng water concessionaires na Manila Water at Maynilad.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, dapat tutulan ang water rate hike kasunod ng anunsiyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo na sa 6.4% ang inflation rate para sa buwan ng Agosto ng kasalukuyang taon.
Sinabi ni Reyes na ang dagdag-singil sa tubig ay panibagong pasakit para sa mga consumer na hirap na ngang maka-agapay sa mataas na presyo ng mga bilihin tulad ng bigas at produktong petrolyo.
Binatikos din ni Reyes ang kawalan ng transparency ang proseso ng water rate rebasing ng Maynilad at Manila Water.
Kaya hindi aniya nabigyan ng pagkakataon ang stakeholders gaya ng mga consumer na maihayag ang kanilang pagkontra para dito.
Batay sa impormasyon, nakatakdang iprisenta ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang rekomendasyon nito para sa ipatutupad na pagtaas sa singil sa tubig.
Posible umanong umabot sa mahigit pitong piso sa kada cubic meter ang dagdag-singil ng Manila Water habang mahigit sa anim na piso per cubic meter naman ang water rate increase ng Maynilad.