Manila, Philippines – Nagpahayag ng matinding pagtutol sa isinisulong na charter change o cha-cha si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa kanyang pagtatalumpati sa harap ng mga Anti-Duterte group kahapon sa United People’s SONA sinabi ni dating Chief Justice Sereno na gagawing isang diktador ang tatayong Federal president sa isinusulong na Federal Constitution.
Kahit kailan aniya ay ayaw niya ng diktaturya lalupa at pinahina umano ni Pangulong Duterte ang institusyon na dapat ay tumutulong sa taumbayan.
Giit ni Sereno, kailangan ang sama-samang paglaban para sa isang kinabukasan na malayo sa dayuhang gobyerno at ligtas sa karahasan.
Dapat din aniyang ibalik ang ginhawa sa buhay lalo na ang taglay na kabutihan ng mga Pilipino.
Buhayin aniya ang pag-asa ng Pilipino para sa dangal katarungan at demokrasya.
Panghuli hinikayat ni Sereno ang mamamayan na kumilos para muling pag-isahin ang sambayanang Pilipino.