TUTOL | LCSP, hindi sang-ayon na ipagbawal ang paggamit sa tricycle bilang school service

Manila, Philippines – Hindi sang-ayon ang grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa isinusulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagbawal na ng mga LGUs ang paggamit sa tricycle bilang school service.

Ayon sa commuter’s group, maraming mag-aaral ang umaasa sa tricycle sa tuwing sila ay papasok at pauwi kung kaya at imposibleng ipagbawal ang pagsakay dito dahil lamang sa safety issues.

Ipinaliwanag ni LCSP Founding President Atty. Ariel Inton na mayroon naman mga regulasyon at mahigpit na enforcement na solusyon ng regulatory agency sa halip na ipagbawal ang tricycle bilang school service.


Sinabi pa ni Atty. Inton, ang kawalan ng mahigit na regulasyon at enforcement ang dahilan kung bakit nagiging delikado ang pagsakay sa tricycle kabilang na ang mga kadalasang problema gaya ng overloading, hindi tamang paniningil ng pasahe at pagdaan sa mga national highways.

Kung wala aniyang ordinansa na ipinagbabawal ito ay dapat siguraduhin ng mga local governments na hindi umaabuso ang mga tsuper ng tricycle sa kanilang mga mananakay.

Sakali namang maisabatas, mungkahi pa ni Inton dapat matiyak na may passenger insurance ang mga pasahero at dapat ay kwalipikadong driver lang ang mga nagmamaneho ng tricycle.

Facebook Comments