Manila, Philippines – Hindi sang ayon ang Department of Education (DepEd) sa mungkahing gawing mala high rise condominium ang mga paaralan dito sa Metro Manila.
Sa ngayon marami ang nagpapanukalang dapat taasan nalang ang mga eskwelahan upang maibsan ang siksikan ng mga estudyante.
Pero ayon kay Education Undersecretary Jesus Mateo, hindi maaari ang high rise building dahil sa kaligtasan ng mga mag aaral.
Sadya kasing makukulit at malilikot ang mga bata kung kaya at hindi angkop ang matataas na gusali.
Paliwanag pa ni Mateo wala ding sapat na pondo ang pamahalaan para magpatakbo ng mga elevator na kakailanganin para sa matataas na gusali.
Tanging ang magagawa ng DepEd ay manawagan sa mga LGUs na humanap pa ng mga espasyo sa kanilang lugar na maaaring tayuan ng mga eskwelahan.
Aminado naman ang DepEd na dito sa Metro Manila ay nagkakaubusan na ng mga bakanteng lote na maaaring tayuan ng mga paaralan.