Manila, Philippines – Nanindigan sina Senators Sonny Angara, JV Ejercito at Bam Aquino na dapat matuloy ang planong suspension ng dagdag sa buwis sa langis sa unang bahagi ng taong 2019.
Ito ay kasunod ng rekomendsyon ng Development Budget Coordination Committee o DBCC na huwag ng ituloy ang susensyon ng excise tax sa langis dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandigdigang pamilihan.
Pero diin ni Senator Angara, hindi sapat ang rollback sa presyo ng langis dahil ang dapat ay maramdaman ng mga Pilipino ang pagbaba ng inflation o presyo ng mga bilihin.
Bukod dito, ay iginiit din ni Angara na hindi pa buong naipapatupad ng pamahalaan ang mga tulong sa apektado ng dagdag buwis sa langis tulad ng unconditional cash transfer, pantawid pasada at mga diskwento.
Apela naman ni Senator JV Ejercito kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa DBCC huwag talikuran ang naunang desisyon na suspension upang mabawasan ang hirap ng mamamayang Pilipino.
Giit naman ni Senator Bam Aquino sa pamahalaan huwag paasahin sa wala ang taumbayan at tuparin ang pangakong suspensyon ng dagdag buwis sa langis na ipinataw ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.