Manila, Philippines – Umaalma ang mga taga-oposisyon sa pagkakaroon ng posisyon ng Pilipinas sa United Nations Human Rights Council (UNHRC).
Ayon kina Akbayan Rep. Tom Villarin at Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano, kabaligtaran ang nangyayari na mga kaso ng pagpatay sa bansa at sa pagkakatalaga sa Pilipinas sa UNHRC.
Iginiit ni Alejano na walang puwang sa council ang isang bansa na maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Ang pagkakaroon ng pwesto ng Pilipinas sa UNHRC ay lantarang pambabastos sa mga pamilya ng mga biktima ng human rights violations.
Sinabi din ng dalawang kongresista na mismong sa bibig ni Pangulong Duterte ay sinabi nitong tanging kasalanan niya ang extra-judicial killings (EJK) sa bansa.
Umaasa naman si Villarin na hindi lamang sa boto ang pagkakapwesto ng Pilipinas sa UNHRC kundi sana ay pinagbatayan din ang track record, commitment at polisiya ng gobyerno pagdating sa pangangalaga sa karapatang pantao.