Manila, Philippines – Nababahala si Lawyers for Commuters Safety and Protection Founder, Atty. Ariel Inton sa pagpasok ng Indonesian ride-hailing company na Go-Jek sa Pilipinas.
Ayon kay Inton, kontra sila sa pagpasok ng Go-Jek dahil lalamunin nito at hihigitan pa ang mga bagong Filipino-owned Tranport Network Companies (TNC).
Posible rin aniyang pataubin nito ang Grab na nangungunang ride-hailing company sa bansa.
Sabi naman ni Grab Philippines Country Head Brian Cu, nanganganib ang mga bagong TNC sa pagpasok ng Go-Jek.
Handa naman aniya ang Grab na makipagkompitensya sa Go-Jek sakaling pumasok ito sa transport network industry ng bansa.
Nabatid na inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang accreditation ng mga bagong TNC tulad ng Hype, Hirna, Owto, Go Lag, at MiCab.
Nitong Mayo, nakipagpulong na ang LTFRB sa Go-Jek at tinalakay ang mga polisiya ng bansa hinggil sa TNVS.