Manila, Philippines – Hindi sang-ayon ang Quezon City Government sa Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB) sa isyu ng pagbabawal sa mga tricycle na ginagamit bilang school service.
Ayon kay Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, wala siyang nakikitang mabigat na dahilan para pagbawalan ang mga tricycle na maghahatid ng mga estudyante sa mga eskuwelahan.
Paliwanag ni Belmonte na kailangan lamang na may mahigpit na regulasyon para sundin ng mga tricycle operators tulad ng pagiging legal ang operasyon at hindi kolorum at hindi overloaded.
Aniya, kumpara sa mga school bus service, mas mura ang pasahe sa tricycle at mas praktikal pang gamitin.
Noong 2014, nagpasa ng ordinansa si Belmonte o ang Quezon City Tricycle Management Code of 2014” na nagtatakda ng mga regulasyon sa operasyon ng mga tricycle sa Quezon City kung saan ang mga pampasaherong tricycle ay maaari lamang magsakay ng apat na pasahero, kabilang na dito ang driver.
Sa ngayon, may panukalang ordinansa ang sangguniang panglungsod na nagtatakda na magkaroon ng accident insurance ang mga tricycle para sa mga pasahero nito.
Base sa datus, ang QC ay may higit 24,700 lehitimong tricycle mula sa 150 toda.
Ngayong araw itinakda ng Metro Manila Council (MMC) ang pulong sa isyu ng pagbabawal sa mga tricycle bilang school service.