Manila, Philippines – Nagdeploy ang Philippine Red Cross (PRC) ng five-man team upang tumulong sa mga biktima ng Tropical Storm “Vinta” sa Labason, Zamboanga Del Norte.
Ang bayan ng Labason ay kabilang sa 13 Municipalidad sa Zamboanga Del Norte na apektado ng bagyo na kamakailan pumasok sa bansa.
Sinabi ni Joseline Fernandez, local PRC OIC-administrator, ang personnel na kanilang pinadala sa Labason ay dalubhasa sa water, sanitation at hygiene.
Sinabi pa ni Fernandez ang team ay equipped ng mobile water treatment unit upang magbigay ng potable water sa mga pamilyang lubhang naapektuhan at nawalan ng tirahan dahil sa Tropical Storm “Vinta.”
Nagpadala rin sila ng isang PRC volunteer upang tumulong sa pagsasagawa ng Psycho-Social Intervention sa typhoon displaced families sa bayan ng Gutalac, isang kalapit na bayan ng Labason.
Una nang iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) umabot ng mahigit 20,008 pamilya na binubuo ng 94,862 indibidwal ang lubhang naapektuhan ng bagyo sa lalawigan ng Zamboanga Del Norte.