Manila, Philippines – Tutulungan ng Technical Education and Skills Development Authority ang lahat ng mga uuwing overseas Filipino workers mula Kuwait sa pamamagitan ng iaalok na libreng pagsasanay sa iba’t ibang technical-vocational courses ng ahensya.
Bunsod nito, inatasan ni TESDA Director General Guiling Mamondiong ang lahat ng regional, provincial, district directors na tulungan at bigyan ng kinakailangang pagsasanay o retraining assistance ang mga uuwing OFWs mula sa Kuwait na apektado nang naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na total ban sa pagpapadala ng mga OFWs sa nasabing bansa.
Sa ipinalabas na Memorandum #61 ng TESDA i-prioritize ang nasabing mga OFWs sa iba’t ibang training programs na iniaalok ng TESDA Technology Institutions.
Pinakilos din nito ang mga regional/provincial/district directors na hanapin ang mga pinauwing mga manggagawa sa kani-kanilang mga lugar sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Overseas Workers Welfare Administration para mabigyan sila ng karampatang tulong.
Kaugnay nito, ang TESDA ay may nakalaang mga programa para matulungan ang mga displaced OFWs na kasama sa 17-Point Reform and Development Agenda ng TESDA sa ilalim ng Duterte administration.
Kabilang dito ang reintegration program for OFWs kung saan sinasanay sa iba’t-ibang skills maging ang kani-kanilang dependent upang matulungan silang makahanap ng trabaho o self-employment sa bansa.