Bumuo na ang Special Investigation Task Group na tutok sa kaso ng pinatay na Ozamis Judge na si Edmundo Pintac.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. Benigno Durana, binuo ang SITG matapos ang utos na natanggap nila mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Layon aniya nito, na makuha ang lahat ng angulo at maresolba sa lalong madaling panahon ang pamamaslang kay Pintac na may hawak na drug cases nina dating Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog at Reynaldo Parojinog Jr.
Sa kasalukuyan, blanko pa rin ang mga otoridad sa motibo ng pamamaslang at nangangalap pa sila ng physical evidence at mga karagdagang impormasyon mula sa mga testigo sa krimen.
Inaalam na rin ng PNP kung nakatanggap ba ng death threats si Pintac bago ito tinambangan.
Naagpaabot naman ng pakikiramay ang PNP sa pamilya na naiwan ni Pintac.