Manila, Philippines – Napagkasunduan na ng consultative committee ang pagbuo ng Federal Presidential System na kahalintulad sa Estados Unidos na maaring sundin para sa Charter Change o pag-amyenda sa saligang batas.
Sa interview ng RMN Manila kay dating Chief Justice Reynato Puno at head ng consultative committee, sinabi niyang nagkaroon ng tatlong panukala na siyang pinagbotohan.
Si Father Ranhilo Aquino, dean ng San Beda Graduate School of Law, ipinanukala ang westminister system na katulad sa United Kingdom, sa ilalim nito, mayroong Pangulo at Prime Minister na pipiliin ng parliament.
Si dating Senate President Nene Pimentel, pabor sa Federal Presidential Form sa ilalim nito, mayroong presidente pero mababawasan ang kapangyarihan ng central government at mahahati ito sa 12 federal states.
Habang semi-presidential naman para kay Dr. Julio Cabral Teehankee ng De La Salle University sa ganitong sistema, maghahati sa kapangyarihan at pananagutan ang Pangulo at Prime Minister.
Sa ngayon, tututok na ang Con-Com sa detalye ng sistema ng gobyerno at isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte bago ang State of the Nation Address nito sa Hulyo.