Pinalaya na mula sa kanyang detensyon sa Senado ang TV Director na si Jojo Nones na nasasangkot sa reklamo ng sexual harassment ng aktor na si Sandro Muhlach.
Matatandaang ipina-cite in contempt ng Senate Committtee on Public Information and Mass Media si Nones matapos na itanggi nito na nag-alok siya ng financial contribution para sa piniling charity ng pamilya Muhlach na tila paraan ng pakikipagkasundo sa biktima.
Sa pulong balitaan kung saan naroon din si Nones ay sinabi ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na ipina-release niya na kay Senate President Chiz Escudero si Nones.
Tinanggap ni Estrada ang apology letter ni Nones matapos nitong makipagsagutan sa senador sa pagdinig kamakailan kung saan iginiit niya ang kanyang karapatan laban sa self-incrimination.
Ikinunsidera na rin ng mambabatas ang health concerns at ang mental health ni Nones para palayain na sa detensyon ang TV Director.
Nilagdaan naman ni Committee Chairman Robinhood Padilla ang release order para kay Nones at may lagda rin ito ni Escudero.