Pinuna ng Malacañang ang serye ng tweets ng mga anak ni Vice President Leni Robredo na tila nagpaparinig sa kawalan ng aksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Inungkat ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga tweet ni Robredo at kanyang mga anak na sina Aika at Tricia para patunayang tama lang ang mga banat ng Pangulo sa Bise Presidente sa kanyang public address noong Martes ng gabi.
Ipinakita ni Roque ang screenshots ng mga online post nina Robredo at kanyang mga anak.
Mababasa sa mga tweet ni Robredo ang mga updates sa kanyang koordinasyon sa militar para sa rescue efforts para sa mga nasalanta ng baha sa Cagayan.
Sa tweets naman ng mga anak ni Robredo ay tila may pinaparinggan silang may natutulog sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, may basehan ang binitawang salita ni Pangulong Duterte laban kay Robredo.
Iginiit ni Roque, hindi nakatutulong ang mga ganitong mga online posts at lumalabas lang na kinukwestyon nila kung nasaan ang Pangulo.
Ang mga tropa ng pamahalaan, kagamitan at relief supplies ay naka-prepositioned bago pa man mag-landfall ang mga bagyo.
Mali aniya si Robredo na pinapalabas na pinangungunahan niya ang rescue at relief operations.
Aminado naman si Roque na hindi niya alam kung ang mga tweets ni Robredo at kanyang mga anak ay umabot kay Pangulong Duterte.